Nakakalat man sa 217 bansa at teritoryo ang mga Pilipino, hindi pa rin ganap ang pagkilala ng buong mundo sa atin bilang isang magaling na lahi. Naaalala lamang nila ang mga Pinoy tuwing may laban sa boksing sina Manny Pacquiao at Nonito Donaire. Napapansin lang nila tayo kapag may contestant na may dugong Pinoy sa isang reality TV show.
Ganito rin ang kapalaran ng wikang Filipino. Hindi pa ito ganap na kilala sa buong mundo. English, Chinese (Mandarin), French, Spanish at Portuguese pa rin ang siyang bukambibig at ginagamit ng karamihan. Ang masaklap pa, mas maraming Pinoy ang gustong matuto at mahasa sa English kaysa sa Filipino.

Sa dalawang katotohanang ito sumusulpot ang ilang mga katanungan. Hanggang saan nga ba ang ating pagmamalasakit sa wikang Filipino? Ano-ano ba ang kaya nating gawin para sa ating pambansang wika? Paano ba natin mapatatatag ang Filipino sa susunod pang mga taon?
Kung pakaiisipin, may mga pagkakataon naman ang mga Pilipino upang ibida ang ating bansa at ang ating mga sarili sa buong mundo. Nasa atin na rin ang oportunidad upang ipakilala at palaganapin ang wikang Filipino. Hindi lang ito nakikita at namamalayan ng nakararami. Maaari ring wala lang talagang pakialam ang iba.
Sang-ayon ako sa minsang tinuran ng awtor na si Anacleto I. Dizon: “Mahalagang maisapuso at maisadiwa natin ang paniniwalang tayo’y Pilipino, isinilang sa Pilipinas, nagsasalita ng Filipino kaya’t nabibilang sa iisang lahing dapat na ipagmalaki at ikarangal.”
Maisasakatuparan natin ang lahat ng ating mga mithiin para sa ating bansa kung pipiliin, gagamitin, pagyayamanin at patatatagin natin ang wikang Filipino saanmang lugar, anumang oras. Kinakailangan ding palakasin natin ang ating sarili bilang mga Pilipino, ayon sa mga talento, kaugalian at kultura na mayroon na tayo.
Nararapat din na mamulat tayo sa kasalukuyang kalagayan ng wikang Filipino at gumagawa ng mga paraan upang makilala at hangaan tayo sa iba’t ibang larangan na ating tinatahak.
Ang Tunay na Estado ng Wikang Filipino
Kung tatanungin o aalamin ang kasalukuyang estado o status ng wikang Filipino, madaling ipaskil o ipost sa cyberspace ang pariralang “It’s Complicated”. Maraming hindi kikibo o iimik dahil hindi naman nito maaapektuhan ang kanilang mga buhay. Walang magli-like. Walang magco-comment. Walang magsi-share. Hindi rin magtetrend ang ganitong paksa dahi macocornyhan lang ang iba. Kung mayroon mang tutubuan ng pakialam, sila lamang yaong may tunay na malasakit sa ating wikang pambansa. Pero ilan ba sila? Lima, sampu, labinlima, dalawampu, o singkwenta?
Sa pinakahuling pag-aaral ng Komisyon sa Wikang Filipino, nabatid na Tagalog o Filipino pa rin ang siyang nangungunang wika na ginagamit ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Nakatutuwang isipin na Filipino pa rin ang siyang nangingibabaw na wika sa ating bansa. Sa loob ng pitumpu’t limang taon, Filipino ang siyang ginagamit at isinusulong sa mga paaralan, tahanan, tanggapan ng pamahalaan at komunidad.
Pero sandali lang! Huwag tayong pakasisiguro na mananatili at magagamit pa ang wikang ito sa mga susunod pang taon o dantaon. Sa artikulong Vanishing Voices ni Russ Rymer na nailimbag noong nakaraang buwan sa National Geographic, kanyang naisulat na isang wika ang namamatay tuwing ika-14 na araw. Sa susunod na dantaon, aabot sa kalahati ng kulang kulang sa 7,000 wikang sinasalita sa buong mundo ang posibleng mawala. Mahigit sa libo pa ang maililista bilang “Critically or Severely Endangered”.
Gaano ba tayo kasiguro na magagawa ng wikang Filipino na mabuhay sa matagal na panahon? Maraming pangkat-etniko na ang tinalikuran ang wikang kanilang kinagisnan. Milyong-milyong katao na rin ang inabandona ang kanilang katutubong wika. Nakatitiyak ba tayo na kaya nating patatagin ang ating wikang pambansa sa kabila ng tumitinding globalisasyon? Mapipigil at malilimitahan ba natin ang pagpabor ng marami sa pag-aaral ng English, Mandarin at Spanish?
Ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), eksaktong 2,724 wika na ang endangered o extinct sa kasalukuyan. Kung paniniwalaan natin ang artikulo ni Rymer, isang wika ang madaragdag dito sa bawat 14 araw na lumilipas.
Idinetalye pa ng UNESCO na ang mga wikang endangered o extinct ay naiuuri pa bilang “critical” o paminsan-minsang sinasalita ng matandang henerasyon (older generation), “severe” o sinasalita lamang ng mga nakatatanda, “definite” o napalitan na ng bagong wika, “vulnerable” o sinasalita na ng mga kabataan subalit bihirang gamitin sa labas ng tahanan, at “extinct” o yaong wika na hindi na ginagamit mula pa noong 1950.
Kung patuloy na pipiliin ng maraming Pinoy ang pag-aaral at pagiging bihasa sa English, posibleng maging definite o vulnerable ang wikang Filipino sa taong 2040 o 2050. Paalaala ni Rymer, ang pagsagip sa wika ay isang adhikaing hindi lamang mga lingguwista ang makagagawa. Ang salvation o pagligtas dito ay magsisimula sa ating mga sarili.
Ang Pagpapatatag sa Filipino
Sa ngayon, masasabing napakatatag pa ng wikang Filipino. Ito ang wikang ginagamit ng mas maraming Pilipino sa loob at labas ng ating mga tahanan. Ito ang ginagamit ng mass media, lalo na ng telebisyon at radyo. Ito pa rin ang ginagamit ng mga Pinoy sa pagtetext, pagmemensahe at pagkokomento sa Facebook. Maging sa pagpapadala ng email sa Yahoo at Gmail, at sa iba pang modernong transaksyon, wikang Filipino ang siyang kadalasang ginagamit ng mga Pilipino.
Sa kabila ng katatagan ng wikang Filipino, lumalakas din ang wikang English sa ating bansa. Bumibida pa nga tayong mga Pinoy sa paggamit ng wikang ito. Ayon sa taunang Business English Index ng GlobalEnglish Corporation, nangunguna ang Pilipinas sa paggamit ng Business English sa mga opisina at bahay-kalakal. Tatlong unibersidad din sa ating bansa ang napasama pa sa 50 best “English-teaching schools” ngayong taon, ayon sa Quacquarelli Symonds.
Nito lamang, napabalita rin na 500 paaralan sa bansa, karamihan sa Cebu, ang nag-aalok pa ng Language Proficiency Program sa mga turista mula sa Japan, China, Taiwan at mga bansa sa Europe tulad ng France at Russia. Ang pag-aaral daw ng English sa Pilipinas ay isang magandang alternatibo sa mga kurso na iniaalok ng United States o United Kingdom. Mas mura na ang halaga, may kalidad pa! Makakapamasyal pa sa magagandang tanawin sa bansa.
Ngayon, paano nga ba natin matitiyak na mapananatili nating matatag ang wikang Filipino? Narito ang ilang punto de bista at paalaala na rin mula sa isang ordinaryong patnugot-manunulat.
•
Piliin at gamitin ang wikang Filipino araw-araw. Naniniwala ako na uunlad o magiging matatag ang ating wika kung palagi natin itong pipiliin. Pasalita man o pasulat, mas mabuti kung Filipino ang ating gagamitin sa tahanan, paaralan, komunidad, kahit saan pa man. Mainam na maging komportable sa wikang kinagisnan kaysa magsalita ng English na mali-mali naman ang bigkas, gamit, at balarila (grammar).
Walang namang nakakahiya sa paggamit ng wikang Filipino. Hindi naman porket Filipino ang sinasalita ay mahina na agad ang isang tao. Hindi rin ibig sabihin na hindi sapat ang kanyang edukasyong natamo.
Kung pag-aaralan pa nga natin ang mga katangian ng wikang Filipino, mapagtatanto natin na natatangi ito sa sarili nitong paraan. Ayon sa mga pananaliksik ni Padre Pedro Chirino, isang misyonerong Heswita, taglay ng wikang Filipino ang mga katangian ng apat na dakilang wika sa daigdig – Ebreo, Griyego, Latin at Espanyol.
Aniya, taglay ng Filipino ang kawalang katiyakan at kalabuan ng Ebreo, at ang mga panturing at pagbabago-bago ng mga pangngalang pantangi at pambalana ng Griyego. Makikita o mapapansin din sa wikang Filipino ang kaganapan at kariktan ng Latin, at ang pagiging pino, makinis at magalang ng Espanyol.
•
Patatagin ang wikang Filipino sa pamamagitan ng paggamit nito sa mga social networking site. Milyon-milyong Pilipino ang may accounts sa Facebook at iba pang social networking sites tulad ng Twitter, Multiply, YouTube, Tumblr, Plurk, Flickr, at iba pa. Gamitin natin ang wikang Filipino rito at huwag nating ikahiya ang pagpapaskil ng status, pagkokomento at pamamahagi ng kung anupamang nilalaman (contents) gamit ang ating wikang pambansa. Sa ganitong paraan, maipakikita natin kung gaano natin kamahal ang ating sariling wika at kung gaano tayo nagiging totoo sa ating mga sarili. Mababatid natin kung gaano tayo nauunawaan at tinatanggap ng iba pang tao. Hinihikayat din ang paggawa, pagpapanatili at pagtangkilik sa Fan Pages na nagtataguyod sa wikang Filipino.
•
Gamitin ang wikang Filipino sa pagbablog at pagtetext. Maraming Pilipino ang mayroong blogs at pansariling websites. Gamitin at ipagmalaki natin ang wikang Filipino sa pagpopost ng kung anumang blog o content na nais nating ibahagi sa ibang tao. Gamitin din natin ang Filipino sa pagtetext sa ating mga kapamilya, kapuso, kapatid, kabarkada, kaklase, at iba pang kakilala.
•
Maging mapamaraan. Marami pang ibang paraan para maipakita ang pagmamahal sa wikang Filipino. Subukang basahin ang Dekalogo ng Wikang Filipino ni Jose Laderas Santos. Tiyak na lahat tayo ay mamumulat ukol sa ilang katotohanan ukol sa ating pambansang wika. Sa pang-anim na teksto, isinasaad na: “Tungkulin ng bawat Pilipino na pag-aralan, gamitin, pangalagaan, palaganapin, mahalin at igalang ang Wikang Pambansa kasabay ang gayon ding pagmamalasakit sa lahat ng katutubong wika at mga wikang ginagamit sa Pilipinas.”
•
Mahalin ang sariling wika. Ayon kay Emerita S. Quito, likas sa isang sambayanan na mahalin at ipagtanggol ang kanyang wika. Sa unang bahagi ng Ang Kayamanan ng Wikang Filipino, kanyang naisulat na, “Sa Belhika, hinahagisan ng bato ang mamamayang nagtatalumpati sa Pranses o sa anumang wikang Flemish. Sa Pransiya, hindi pinapansin ang mga hindi marunong ng Pranses. Sa Indonesya, pinipilit iwaksi ang paggamit ng Olandes sapagkat ito ang wika ng mga dayuhang sumakop sa kanila.”
Pero paglilinaw lamang. Hindi ibig sabihin na kailangan nating maging bayolente o marahas maipakita lamang na wagas ang ating pagmamahal sa sariling wika. Narito ang dalawang magandang halimbawa kung paano tayo makatutulong sa pagpapatatag ng wikang Filipino.
Unahin natin si Gladys Grace Stephens, isang Pinay sa New Zealand na pinarangalan kamakailan dahil sa kanyang paglilingkod sa ating mga kababayan. Isa siya sa mga nasa likod ng pagtatatag ng Waikato Filipino Association na nagpoprotekta at nagtataguyod sa kulturang Pilipino. Mula pa man noong 2005,
tumutulong siya sa pagbuo ng School Holiday Program sa Hamilton. Tuwing Linggo, tinuturuan niya ang mga kabataang may edad walo hanggang 14 na mag-aral ng wikang Filipino kahit siya ay nasa New Zealand.
Samantala, isang grupo naman ang namahagi ng mga disyunaryong Filipino ngayong taon. Sila ang ACT Teachers Party-List na nagkaloob sa Department of Education (DepED) at National Library ng ilang libong kopya ng Diksyunaryong Sentinyal ng Wikang Filipino na maaaring mapakinabangan ng mga pampublikong paaralan. Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng pagsuporta ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Mamamahagi pa sila ng diksyunaryo sa Luzon. Ipagkakaloob naman ng DepED ang mga natanggap na talatinigan sa Bacolod, Iloilo, Cebu, Tacloban, Cagayan de Oro, Davao, Cotabato, General Santos at Butuan.
Kung hindi man natin kayang gawin ang mga naging kontribusyon nina Stephens at ng ACT, maaari pa rin namang sumama sa ilang mga grupo o organisasyon na nagtataguyod sa wikang Filipino.
•
Para sa mga mag-aaral, suportahan natin ang Mother Tongue Based-Multi Lingual Education (MTB-MLE) na ginagamit sa ipinatutupad na K-12 curriculum. Layon nito na palakasin pa ang mga katutubong wika at patatagin pa ang wikang Filipino bilang wikang pambansa. Basahin din ang Dekalogo ni Jolad Santos at itanim sa isipan na kung hahangarin man na maging magaling sa English, tiyakin na papantay ito at hindi dapat humigit sa paggamit at pangangalaga natin sa wikang Filipino.
•
Para sa Department of Tourism, sana ay maisipan ng inyong kagawaran na gamitin din ang wikang Filipino sa ilan ninyong mga kampanya. Hindi naman agaran o purong Filipino kaagad ang iminumungkahing gamitin. Hindi masama na turuan ang mga turista ng pa-ilan-ilang wika na kadalasang ginagamit sa bansa. Subukan nating ituro sa kanila ang “po” at “opo”, “Mabuhay!”, “Magandang araw!”, “Salamat”, at iba pang salitang sumasalamin sa kulturang Pilipino.
•
Para sa Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang tanggapan na may malasakit sa wikang Filipino, ipagpatuloy pa sana ninyo ang paglulunsad ng mga paligsahan at iba pang adhikaing magpapayaman at magpapatatag sa wikang Filipino.
Bukod sa mga serbisyong ipinagkakaloob ninyo, sana rin ay palagiang iupdate ng komisyon ang ating mga diksyunaryo. Icatalogue o ilista nang maayos ang ating mga bokabularyo, mga pronunciation (pagbigkas) at syntax nito taon-taon o kada dalawang taon. Kung kakayanin, sana ay makagawa rin tayo ng mga talking dictionaries, tulad ng ginagamit at ginawa sa India, Oregon, Papua New Guinea at Siberia. Mas maraming tao rin ang makakikilala sa wikang Filipino kung mailalagay din natin sa Internet ang ating sariling bersyon ng talking dictionaries.
•
Para sa mga pulitiko, sana ay gamitin ang wikang Filipino, hangga’t maaari sa lahat ng proseso o transaksyon sa pamahalaan. Mula sa kampanya, hanggang sa pagtupad sa tungkulin, sana ay magamit ang ating pambansang wika. Sa pamamagitan nito, higit kayong mauunawaan ng mas maraming botante at mamamayan. Partikular na minumungkahi ang wikang Filipino sa Kongreso at Senado na siyang gumagawa ng mga batas sa ating bansa. Sana ay gumagawa rin ng mga batas na nauukol sa pangangalaga, pagpapatatag at pagpapayaman pa ng wikang Filipino at iba pang diyalekto.
•
Para sa mga Overseas Filipino Workers, kung nakakaya ninyo na kumayod , manilbihan at manirahan sa ibang bayan, subukan na rin ninyong ipakilala, piliin, gamitin, ipagmalaki at pagyamanin ang ating wikang Filipino. Magagawa ito kung bukal sa inyong mga puso ang pagmamahal sa ating wikang pambansa. Taas noo at sana’y walang bahid ng pagkahiya.
•
Para naman sa mga negosyante at mga korporasyon, maaari kayong tumulong sa pagpapatatag ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga programa o adbokasiya para sa ating wika. Gawing bahagi ng inyong corporate social responsibility (CSR) ang pagmamahal sa wika. Ilan sa mga halimbawa nito ang paglulunsad o pagsuporta sa mga reading campaign, pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga proyektong may kinalaman sa wika, paglulunsad ng mga paligsahan, at iba pa. Pinapaalalahanan din ang mga negosyante, lalo na yaong mga nasa may katungkulan na hikayatin ang mga empleyado na magmalasakit din sa wikang pambansa.
Ayon kay Professor K. David Harrison ng Swarthmore College, ang susi sa pagsagip sa wika ay ang mismong tao na taas noong gumagamit dito. Kaya naman dapat lamang na maging relaks o “cool” ang ating wika para sa nakababatang henerasyon. Kalaunan, kapwa ang mga tagapagtaguyod ng wika, at ang mga kabataan ay magiging malikhain sa paggamit nito.
Nakasalalay sa ating pag-uudyok at pagpupunyagi ang kapalaran ng Filipino bilang isang wika. Sana lahat ng Pilipino ay mamulat ukol sa kasalukuyang kalagayan ng ating wikang pambansa at gumawa ng mga paraan upang maging matatag ito ngayon at sa mga susunod pang taon o dekada.
Maging Pinakamahusay na Lahi
Bukod sa pagtupad sa mahabang listahan ng ating mga pangarap sa buhay, kailangan din nating palakasin ang ating mga sarili bilang Pilipino. Hindi lamang sina Pacquiao, Donaire, Jessica Sanchez, Charice, Shamcey Supsup, at P-Noy ang dapat kilalanin ng ibang lahi. Lahat tayo ay dapat kumilos at gumawa ng sariling marka sa kasaysayan ng mundo.
May mga Pinoy na na kinilala dahil sa galing sa palakasan, husay sa pag-awit, hindi matatawarang paglilingkod, at iba pa. Hindi rin naman nagpapahuli sa ganda at talino ang mga kalahok na inilalahok natin sa mga timpalak-kagandahan o pageants.
Subalit sa pagdaan ng panahon, ang magandang imahen ng mga Pilipino ay nababahiran at narurungisan. Nasisira ang magandang pagtingin ng ibang lahi sa mga Pinoy dahil sa pagkakasangkot sa ilang pangit na balita at publisidad. Drug mules na ang tingin ng ilang lahi sa mga Pinoy. Ngayong taon, kabilang pa ang mga Pinoy sa listahan ng “top smokers” ayon sa sarbey ng American Cancer Society at World Lung Foundation. Napasama rin ang Pilipinas sa 66 bansa na sangkot sa drug money-laundering.
Panahon na upang muli nating palakasin ang ating mga sarili bilang mga Pinoy, bilang lahi ng magigiting at magagaling. Ilan sa mga maaari nating gawin para maiangat ang ating mga sarili ay ang mga sumusunod:
•
Gawin ang lahat upang mapaunlad at mapatatag ang wikang Filipino.
•
Buhayin natin ang magagandang kaugalian na mayroon tayo. Panatilihin ang hospitalidad at maging magiliw tayo sa lahat ng bisita, lalo na yaong galing pa sa ibang bansa.
•
Iparanas natin sa iba ang tunay na kahulugan ng “close family ties.”
•
Ipakita sa buong mundo kung paano magtulungan ang mga Pilipino o kung paano naging kakaiba ang “bayanihan” sa Pilipinas. Tulungan natin ang bawat isa sa pagkakamit ng mga pangarap sa buhay. Tulungan natin ang mga kababayan nating dumaraan sa mabibigat na pagsubok tulad ng mga biktima ng kalamidad, mga kabataang naliligaw ng landas, at iba pa.
•
Gamitin palagi ang “po” at “opo”. Sa pamamagitan ng dalawang salitang ito ay maipakikita natin sa buong mundo kung gaano tayo kagalang at kung paano tayo kumilala sa nakatatanda, sa ating mga magulang, at maging sa iba pang mga tao.
•
Tanggalin ang hiya. Ikarangal kung anumang mayroon tayo - simpleng bahay, simpleng pamilya, simpleng gamit sa bahay, simpleng edukasyon. Hindi rin dapat ikahiya ang ating sariling wika. Gamitin natin ito at subukang ipakilala sa mga turista.
•
Kalimutan ang Filipino time o ibahin natin ang pakahulugan ng ibang tao rito. Gamitin natin ang bawat oras nang maayos at gawin nating maging produktibo bawat minuto. Habang may panahon ay tupdin na ang ating mga tungkulin sa buhay. Bawal ang “Mamaya na”. Maglaan din ng oras para sa paggamit ng wikang Filipino sa loob at labas ng tahanan, paaralan, komunidad, at kahit saan pa man.
•
Iwaksi ang bahala na! Hindi kailanman dapat iasa ang ating buhay, pati na rin ang wikang Filipino, sa suwerte, sa kapalaran, sa Panginoon o sa mga espiritu at santo. Huwag natin takasan o balewalain ang problema. Huwag nating hayaang manganib ang ating wika. Nasa ating mga kamay at wagas na pagmamahal ang ikatatagal nito.
•
Mag-aral nang mabuti. Dapat na maging matalino ang mga kabataan sa pagpili ng kurso sa kolehiyo. Katulad ng ipinapayo ng DoLE, subukan ang traditional job creator tulad ng cyberservices, health and wellness, tourism, banking and finance, transportation and logistics, at wholesale and retail trade. Hindi lang sa industriya ng call center at business process outsourcing dapat kilalanin ang mga Pinoy.
•
Magsikap sa trabaho. Mapa-domestic helper man, magsasaka, mangingisda, guro, nars, o anumang propesyon, magsikap tayo at ibigay ang lahat ng ating makakaya upang makapagbigay ng magandang serbisyo o produkto sa ibang tao. Maging matapat din tayo sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras. Huwag tayong matutukso sa kinang ng mga salapi, at ari-arian ng ibang tao.
•
Maging disiplinado. Sundin natin ang bawat batas sa loob o labas ng bansa. Iwasan natin ang mga bagay na maaaring ikasira o ikarumi ng reputasyon ng ating bansa.
•
Huwag nang dumagdag sa tumataas na bahagdan ng brain drain. Mula noong 1998 hanggang 2009, naging mas malaking problema ng Pilipinas ang paglisan ng mahuhusay na Pilipino. Libo-libong Pinoy na hinasa sa science and technology (S & T) ang pinipiling maglingkod sa ibang bansa. Maglingkod sana muna tayo sa lupang tinubuan upang umunlad ang Pilipinas. Huwag sana ibang bansa ang pasikatin natin sa mga imbensyon, teorya o idea na tayo mismo ang gumawa.
Kung nagagawa ng ilang Pilipino na maging sikat sa iba’t ibang larangan, makakaya rin ng bawat isa sa atin na gumawa ng sariling marka sa mundong ibabaw. Kung nagagawa ng ating OFWs na indahin ang hirap kumita lamang ng mas malaki, magagawa rin ng isang ordinaryong mamamayan na hawiin ang anumang balakid sa ating buhay, sa ating pangarap at sa pagpapatatag ng ating wikang pambansa.
Mga Sanggunian
Bureau of Labor and Employment Statistics. International Migration of Science and Technology Manpower-OFWs, 2011
Commission on Filipinos Overseas. 2010 Stock Estimate of Filipinos Overseas
Dizon, Anacleto I. Filipino o Pilipino. (Ang Wika sa Edukasyon ng mga Pilipino)
Esplanada, Jerry. Philippines one of the 66 nations for drug money laundering – US report. Philippine Daily Inquirer. Marso 25, 2012
Gordon, Raymond G., Jr. Ethnologue: Languages of the World, Fifteenth Edition. Dallas. Tex. SIL International, 2005
Komisyon sa Wikang Filipino. Tagalog, nangungunang wika sa loob ng tahanan. Enero 20, 2011
Quito, Emerita S. Ang Kayamanan ng Wikang Filipino
Rymer, Russ. Vanishing Voices. National Geographic, Hulyo 2012
Santos, Jose Laderas. Dekalogo ng Wikang Filipino